Sunday, May 25, 2008

Nasaan ka, Malintang?

(base sa operang “Hinilawod”)


Sapagkat hindi lamang huni ng dagat
ang nagbibigkis sa iyo kay Malintang,
Ikaw Humadapnon ay nangakong tutuklas
ng daan patungo sa kaniya. Hindi bunga ng panaginip
o pagkakataon lamang ang dugtong ng inyong hinahon.

Narito ako at hihintayin ka,
halika, halika,
Pintuho mo akong kailangang makita.
mangako ka!

Nasaan ka at sa panaginip lamang lumalagi?
Nasaan ka marilag kong giliw, aking Marikit?,
Susundan kahit saan huwag kang maiinip.

Inaawit ng dagat
ang landas ng pagkabuo
hindi ang daan ng gunaw;
kaya nga at may pangako
bawat liriko. Madalas,
sa daan ng pagtugaygay,
nanliligaw ang ligaw.

Saang yungib at dilim nagbubuga ng amoy ng pang-akit?

Ikaw Humadapnon ay narahuyo
sa gayumang kaloob. Wala ngayong panaginip
na lumitaw sa nilasong puso.

Tagumpay ka tampalasang Guinmayan.
Sa bagsik ng gayuma,
kahit dalisay mang pag-ibig
ay namamatay.

Buuin natin ang kapwa natin pangako.
Nandiyan na ako,ang talim ng tabak
ang sa iyo ay saklolo.

Ay giliw kong tunay, salamat sa iyong alay,
kahit buhay mo’y handa sa aking ibigay.

Kayo Malintang at Humadapnon
ay naglunoy sa himig ng dagat.
Ngunit lahat ng nananatili ay may pansamantala.

Naglambing ang tungkulin.
Nagbigay ka Humadapnon
upang sa muling pagbabalik
ay wala nang lilitaw na paglisan.

Matagal nang nakatatak sa lupa at lipi
ang kasunduang di mababali – Malintang at Sumagulong.
Ikaw na naiwan ay di nagawang umaglahi
sa naghihintay mang pighati.

Patawad sa di natakasang tadhana.

Taksil ka at di nakapaghintay sa akin.
Mas nanaisin pang buhay mo ay kitilin.

Umagos ang dugo sa paanan mo Humadapnon
kasabay ng pagkakagiba ng moog ng pagsuyo.
Nabulag ka sa pangingimbulo’t poot ang naidulot.

Nasaan ka Malintang?

Dadalhin kita sa pampang.
Buhayin ka nawa ng himig-dagat
Tanggapin nawa, ang usal kong patawad.

Noon sumilang ang araw
na may pag-asang buhay.

0 comments: